Sa buhay maraming pagsubok, ngunit dahil may pag-asa patuloy ito sa pag-inog. Pag-ibig, ito ay isa rin sa mga dahilan upang ang buhay na ito ay magkakulay. Higit sa lahat ay ang Poong Maykapal na siyang nakakaalam ng lahat. Ito ang buhay ko...

Pagsubok

August 1, 2009

Ang buhay ay napakaraming pagsubok. Paminsan-minsan may mga bagay na mahirap ipaliwanag. Bawat tao ay may kanya-kanyang pananaw sa buhay. May kanya-kanyang pangarap at paghihinagpis. Ang mga bagay na ito ay siyang nagbibigay daan sa kung saan tayo patungo.

Minsan napakahirap intindihin ng mga ito, napakakumplikado. Minsan parang ang dali nating sumuko. Nakakaramdam tayo ng labis na takot at kung minsan naman ay nakukulong tayo sa loob ng mga kaganapan sa paligid na para bang kayhirap huminga. 

Ang masasabi ko lang mga pagsubok lamang yan! Kung gugustuhin mo ay kaya mong labanan!

Posted by glenda at 8:27 am | permalink | Add comment

Kulay ng Pagmamahal

August 15, 2008
 
 
 
Posted by glenda at 11:23 pm | permalink | Add comment

Sa bawat araw…

May 22, 2007

Araw-araw kayrami nang mga samut saring pangyayari. Kayrami ng mga kasaysayan sa likod ng tabing na aking natutuklasan. May nakakatuwa, nakakalungkot, nakakapanghinayang at marami pang iba. Talagang ang buhay sinadyang inukit ng Poong Maykapal na maging makulay. Bawat isa ay may  kanya-kanyang istorya. Bawat isa may mga kakaibang maikukuwento. Masaya! Nagiging masaya ang araw ko sa tuwing nakakapakinig ako ng mga kasaysayan ng mga taong mga nakikilala ko. 

Ang nakakatuwa sa lahat ay ang malaman ko at maramdaman na nagtitiwala sila sa akin. Na buong puso nilang inihahayag sa akin ang bawat pitak ng kasaysayan ng kanilang buhay. Nararamdaman ko ang kahalagahan ko sa kanila. Nakakataba talaga ng puso na malaman mo na pinagkakatiwalaan ka nila. Dumaragdag ang aking lakas. Sila'y nagsisilbing inspirasyon sa akin. Siguro nga kung isusulat ko ang bawat mga kasaysayan nila baka makabuo na ako ng isang nobela. Pero talagang nakaka challenge. Napakaganda ng bawat hibla ng mga ito. Gustong-gusto ko na talagang simulang magsulat. Kaya lang gusto kong maganda ang aking pagkakasimula at hindi lang  basta-basta. Kasi naniniwala akong naging parte na rin sila ng buhay ko. Kahit na yung mga tao lang na nakasalubong ko sa daan, nangiti sa akin at nginitian ko rin. Lahat kasi ng tao mahalaga sa akin. Mahal ko silang lahat. 

Kagaya ng pagmamahal ko sa ating Panginoon, ganun din ang pagmamahal ko sa aking sarili at sa lahat ng mga taong nakapaligid sa akin.

Kagaya halimbawa ng lola ko. Na mimiss ko na talaga si Lola. Hayy..sana naman makauwi ako at mabisita ko siya. Mahal na mahal ko talaga kasi si Lola. Hindi lang dahil ina siya ng aking mama ngunit dahil mahal ko lang talaga siya…Mahal na mahal..gustong-gusto ko na lagi siyang nakikitang masaya. Pinanabikan ko ang mga sandaling niyayakap niya ako, hinahalikan at sinasabi niya sa akin na "nahidlaw na ko sa imo Day". Tapos hinaplos-haplos niya ang buhok ko, tapos tumatabi ako sa kanyang matulog.  Kaya nga ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya para naman kahit papano ay masuportahan ko si Lola. Para naman mapunan ko ang mga pagkukulang ko  sa kanya. Gusto kong sa mga panahong ilalagi niya dito sa mundo ay maitatak ko sa kanyang puso at isipan na mahal ko siya. Na nadiyan ako sa tuwing kailangan niya ako. Uuwi talaga ako, gustong-gusto ko nang makita ng lola.

Kagaya ng pagmamahal ko sa Lola mahal ko din ang aking tiyahin. Si Mamay…malaki ang utang na loob ko kay Mamay..alam ko na kahit lagi niya akong kinagagalitan dati para din yun sa kabutihan ko. Naiintindihan ko siya. Sana may bumubulong din sa puso niya na mahal ko siya.

Sa lahat ng mga pinsan ko, Auntie's at Uncles mahal ko silang lahat. Kahit hindi man nila ako nakikita palagi. Nandito silang lahat nakatatak  sa aking puso. 

"Lola, Mamay andito lang ako para sa inyo..hindi ako nakakalimot…hinding-hindi mangyayari iyon…Maraming salamat sa lahat ng mga bagay na ibinigay nyo sa akin. Higit sa lahat sa mga aral na itinatak ninyo sa aking puso. Pangako uuwi na ako diyan. Para kayo ay aking muling mayakap….MAHAL NA MAHAL KO KAYONG LAHAT…KUNG ALAM NYO LANG SANA..PARA SA INYO ANG LAHAT NG PAGHIHIRAP KO…BUHAY KO…ANDITO LANG AKO PALAGI… 

Posted by glenda at 4:47 pm | permalink | Add comment

Ikalawang Yugto….

May 4, 2007

Sa wakas heto na naman ako…salamat naman sa panahon, parang kayganda ng aking pakiramdam habang isinusulat ito. Ang saya ko talaga kapag ako ay nakakapagsulat. Ewan ko ba, may isang taong nangungulit sa akin na isulat ko ang aking love story. Hay naku naman sa lahat ba naman ng bagay iyan pa ang gustong hilingin sa akin. Eh, alam niya naman na sobrang wala talaga akong may maisulat basta't patungkol sa bagay na iyan. Hindi ko rin alam kung bakit iniuugnay pa ako ng taong ito sa isang tao rin. Haayyy! naku bakit nga ba napakalaking bagay talaga sa kanila ang kalagayan ng aking puso… Sa totoo lang talaga ni hindi ako nakaranas mag ka boyfriend. Paano ba naman sobrang lagi akong busy  sa aking buhay na hayy naku naman parang walang kapahingahang mga samu't saring problema ang dumarating. Alam kong hindi ka na makahinga sa kakabasa diyan paano nakalimutan ko yata ang tuldok at kuwit. 

Pero naman napakalaki talaga ng utang na loob ko sa taong ito. Hayyy naku naman…wala talaga akong may maisusulat. Paano hanggang sa ngayon ni hindi pa rin naman ako nagkakaroon ng lovelife… Siguro pwede ko isulat ang lovelife ng ibang tao diyan. Huwag lang ang kasaysayan ng pag-ibig ko. Siguro nga espesyal ito kung magaganap at kung mangyari mang mag-iba ang ihip ng kapalaran at mapansin ni Kupido ang aking pusong hanggang sa ngayon ay nananatiling walang laman. Gusto ko lang kasi magtrabaho  ng magtrabaho. Oo paminsan-minsan napag-iisipan ko din. Na nakakainggit, na parang hindi ako normal na dalaga sabi nga nila.Eh, ano ba naman ang gagawin ko, hindi ko naman alam. Hindi naman ako kasingganda ni Paraluman, kasing galing sumayaw. Hindi naman kaakit-akit ang aking alindog, hindi naman siguro talaga ako "girlfriend material". Ewan ko ba at napakaraming taong mamatay-matay at sabik na sabik na malaman ang kasaysayan ng pag-ibig ko. Hindi ko na yata mabilang ang numero ng mga taong nagtanong sa akin ng tungkol dito. At ang nakakalungkot ito ay laging nauuwi sa katatawanan. Lagi nalang nila akong pinagtatawanan. Ano ba naman talaga. At saka wala naman akong pakialam kung wala akong love life. Wala naman akong pakialam kung tawagin nila akong Ms. Oldmaid. Gusto ko naman talagang maging "Matandang Dalaga". At paano naman kasi eh ako ang bumubuhay sa pamilya ko. Para sa akin sapat na ang mga paghihirap ko. Sapat nang dahilan iyon upang sa gayon ay maging manhid ako, upang sa gayon ay pigilan ko ang aking damdamin kung maaari lang naman. Sana naman ipinapanalangin ko na magpakalayo-layo lamang sa akin ang tukso. Hindi lang naman kasi nila alam ang tunay na kahulugan ng pagmamahal. Hindi lang naman kasi nila naiintindihan iyon. Basta para sa akin, sobrang malalim ang bagay na iyan. Sobra siyang delikado, nakakatakot. Hindi ko  alam, parang natatakot akong mangyari sa akin ang mga nangyayari sa iba. Ngunit kung talagang may itinadhana ang Maykapal para sa akin, iyon naman ay aking ipagpapasalamat. Ayoko rin namang ipagdamot ang aking sarili sa mga taong nais akong mahalin. Alam kong hindi ko kayang pigilan ang kanilang mga puso. Kung dumating man ang panahong ako nga ay magmahal. Marahil ay hindi rin ako makakapag-pigil. Sa ngayon pinag-iisipan ko pa ang bagay na ito. Ayoko kasing mabigla at masaktan. Ayoko ko sa mga bagay na nakakasakit. Alam ko kasi lagi at lagi itong mangyayari.

Kung may mamahalin man ako sa huli, siya ay mapalad. At kung dumating man ang panahong may pag-alayan ako ng aking sarili. Buong hayag kong sasabihin sa lahat ito. Walang pakundangang ipangangalandakan ko sa lahat na sa wakas ang aking Kristal na Puso ay nabasag na. Meron nga ba? Kayo na lamang siguro ang maghusga…

 Ito lang muna ang love story ko sa ngayon.heheheh

Posted by glenda at 12:00 am | permalink | Add comment

Sulat Kamay…Abot kamay…

May 1, 2007

 

Medyo matagal-tagal na rin ang mga panahong hindi ako nakasulat sa Filipino. Napakaswerte ko naman at dumating ang blog na ito. Minabuti ko na talaga na simulan ang unang sulatin sa Tagalog o Filipino. Kasi gusto ko na ang nilalaman ng blog na ito ay likhang Pinoy. Kasi Pilipino ako. 

Unang-una talaga nais kong hindi mawalay sa akin ang wikang ito. Nais kong mapanatili ang kanyang tatak sa aking puso at isipan. Nais kong iparating ang aking mga hinanaing sa pamamagitan niya. Sana naman marami pa akong may maisulat dito. Sariwa pa naman ang mga araw ko sa mundo. Marahil ay malayo pa ang bukang liwayway. Kung dumating man iyon. Handa rin naman ako. Nagpapahiwatig lang iyon na mayroon pang bukas. Hihintayin ko ang kanyang pagdating at ikagagalak ko ang dala-dala niyang makabagong tanawin. Buhay nga naman. Ang mas mahalaga, bawat araw at bawat sinag ay nababanaagan pa rin ng bahagharing kailan may hindi mapapantayan ang kagandahang tinataglay.

 Heto lang muna sa ngayon. Ang baging ay patuloy na mamimilipit, kakapit at uukit ng samu't saring kasaysayan sa bawat pahina ng dahong ito…

Posted by glenda at 1:50 am | permalink | Add comment

     

November 2009
M T W T F S S
« Aug    
 1
2345678
9101112131415
16171819202122
23242526272829
30  

Monthly Archives

Sponsored Links

About Me

Masaya, may puso at may buhay. Biyayang bigay ng Poong Maykapal. Sa pagtahak ng landas ng buhay ang pusong may Panginoon ang siyang nagpapatibay.

Recent Photo

Message Me!

donzy:

Hi! nice blog you got here. Visit mine at http://donnasonlyhope.com and leave me a message if you want :D

support:

Congratulations, you’ve just completed the installation of this shoutbox.

support:

Hi! Your shoutbox is working fine!

Leave a message ▼